Roosevelt Station ng LRT-1 muling binuksan para sa commercial operation
Naging matagumpay ang pagbabalik operasyon ng Roosevelt Station ng LRT-1 matapos ang mahigit dalawang taon na pagtigil ng operasyon nito.
Ngayong araw, Dec. 5, 2022 ay opisyal nang binuksang muli para sa commercial operations ang LRT-1 Roosevelt Station upang makapagbigay serbisyo sa mga pasahero.
Ayon sa LRT-1 private operator na Light Rail Manila Corporation (LRMC), nitong nagdaang weekend ay nakumpleto ang isinagawang readiness tests, trial runs, station maintenance works, at operational exercises na ginawa nitong weekend.
Sa muling pagbubukas ng LRT-1 Roosevelt Station, magiging full operational na ulit ang 20 stasyon ng rail line.
Simula ngayong araw ay magkakaroon din ng pagbabago sa schedule ng biyahe ng mga tren ng LRT-1.
Ang last trip mula Baclaran Station ay 10:00 PM, habang ang huling biyahe ng tren sa Roosevelt Station ay 10:15 PM kapag weekdays.
Kung weekends naman at holidays, ang huling biyahe sa Baclaran at Roosevelt stations ay 9:30 PM at 9:45 PM
Sa muling pagbubukas ng Roosevelt Station, nakatanggap ng special items ang unang 100 na pasahero na pumasok sa istasyon 4:30 ng madaling araw.
Isinara ang LRT-1 Roosevelt Station simula pa noong September 2020 para bigyang-daan ang konstruksyon ng Common Station o ang Unified Grand Central Station (UGCS) na magkukunekta sa LRT-1, MRT-3, at MRT-7. (DDC)