Publiko pinag-iingat sa cryptocurrency scams ngayong holiday season
Pinapaalalahanan ng Southern Police District (SPD) ang publiko na mag-ingat sa mga naglipanang cryptocurrency scams ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay SPD District Director,Brigadier General Kurby John Brion Kraft na kumakalat sa pamamagitan ng text messages at social media ang mga cryptocurrency scams kaya kinakailangang maging mapanuri at alerto ang publiko dahil determinadong makapambiktima ang mga masasamang elemento,indibiduwal o grupo na magsasamantala ngayong holiday season.
Kabilang aniya sa modus ng mga scammers ay ang pagpapadownload sa kanilang biktima ng isang crypto application at inoobligang maglagay ng investments sa mga pekeng digital wallets.
Matapos na malagyan ng pera ang mga nasabing bogus na digital wallets ay hindi na maaaring mawithdraw pa ito ng biktima.
Payo ng SPD sa publiko, makipagtransaksiyon lamang sa mga lehitimo at kilalang cryptocurrency and forex trading companies upang hindi maging biktima ng ganitong scam. (Bhelle Gamboa)