Huling tranche ng dagdag sahod ng government workers sa ilalim ng Salary Standardization Law ipatutupad sa susunod na taon
Sa susunod na taon matatanggap ang last tranche ng dagdag sa minimum na sweldo ng mga empleyado ng gobyerno.
Ito ang pagtitiyak ng Department of Budget and Management (DBM) kasunod ng mga panawagan ng ilang public sector unions na taasan ang minimum salary ng government workers.
Ayon sa pahayag na inilabas ng DBM, ang last tranche ng modification ng suweldo para sa civilian personnel sa ilalim ng Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law V ay ipatutupad sa 2023.
Ang mga empleyado ng gobyerno na sakop nito ayon sa DBM ay tiyak na makatatanggap ng dagdag na sahod sa susunod na taon.
Ipinaliwanag din ng DBM na ang pagtataas sa sahod ng mga government workers ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng batas.
Ayon sa DBM, sa ilalim ng Fiscal Year 2023 National Expenditure Program (NEP), naglaan ang ahensya ng nasa P47 million sa ilalim ng Governance Commission for GOCCs (GCG) budget para maisagawa ang pag-aaral sa government compensation structure ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at GOCCs.
Layunin nitong matiyak na ang tinatanggap na suweldo ng mga civilian personnel ay akma at nakasasabay sa mga nagtatrabaho sa private sector,
Iniutos din ni DBM Sec. Amenah F. Pangandaman
ang pag-review sa halaga ng tinatanggap na benepisyo ng mga qualified government employees para malaman kung kinakailangan ng adjustment.
Sa pagbibigay naman ng gratuity pay sa mga job order at contract of service workers, inihahanda na ng DBM ang executive issuance na ie-endorso sa Office of the President para sa konsiderasyon. (DDC)