Mahigit 2,400 traditional jeepneys sa Bacolod City na expired and prangkisa, pinayagan pang mag-operate
Pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makabiyahe pa hanggang March 2023 ang 2,445 na mga traditional jeepney sa Bacolod City na mayroong expired na prangkisa.
Ito ay sa ilalim ng interim service permits na ibinigay ng LTFRB.
Ayon kay Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez, sa ilalim ng ibibigay na permit, irerehistro ang mga PUJs bilang private vehicles matapos sumailalim sa validation ng kanilang ruta sa city government.
Panawagan ng alkalde sa mga operator ng jeep na mayroong expired na prangkisa magtungo lamang sa City Hall para sa proseso.
Noong November 7 at 8, ang mga lumang jeep sa lungsod ay nagtigil pasada na dahil sa pangambang mahuli sila.
Dahil dito, daan-daang commuters ang nawalan ng masasakyan na nagresulta pa sa suspensyon ng face-to-face classes sa ilang paaralan.
Ayon kay LTO Bacolod chief
Renato Novero, nagsimula nang manghuli ang kanilang mga tauhan ng mga public utility jeepneys na walang rehistro.
Pero paglilinaw ni Novero, tanging rehistro lamang ang hahanapin sa mga jeep at hindi sila hahanapan ng prangkisa.
Kung mahuhuli na bumibiyahe sa kanilang ruta nang walang rehistro ay papatawan sila ng P20,000 multa. (DDC)