100 percent target para sa catch-up immunization sa mga sanggol, nakamit na ng DOH-NCR
Naabot na ng Department of Health (DOH) ang 100% na target sa ikinasang Vax-Baby-Vax Intensive Routine Catch-Up Immuniation para sa mga sanggol sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa DOH-Metro Manila Center for Health Development naabot nila ang 100.48% kung saan mayroong 137,701 na mga sanggol ang naturukan ng mga bakuna.
Ito ay pawang mga nasa edad 0-23 months NCR matapos ang isinagawang sampung araw na catch-up immunization campaign.
Ikinasa ng DOH ang nasabing kampaniya mula November 7 hanggang 18 sa NCR at una nilang target na maturukan ng iba’t ibang bakuna ang nasa 137,048 na mga sanggol na hindi pa nakatanggap ng anumang bakuna mula ng September 2022.
Ayon kay DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa, naisakatuparan ang programa sa tulong ng mga Local Government Units (LGUs), Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Gayundin ang iba pang pampubliko at pribadong sektor na nagpaabot ng tulong para maipakalat ang impormasyon hinggil sa immunization program.
Bagaman natapos na ang 10-araw na kampaniya, magpapatuloy pa rin ang routine immunization para mabigyan ng proteksyon ang mga sanggol laban sa mga Vaccine-Preventable Diseases (VPDs) tulad ng Polio, Measles, Mumps, Rubella, Diphtheria, at Hepatitis B. (DDC)