DepEd official, nanawagan ng tulong sa private sectors at Eagles Club para tugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa
Nanawagan si Department of Education (DepEd) Undersecretary Epimaco Densing III ng kaukulang tulong sa mga stakeholders ng pribadong sektor at sa organisasyon ng Eagles Club upang tugunan ang kinakaharap na krisis sa edukasyon.
Aminado ang opisyal na malaking problema ng DepEd sa kasalukuyan ang kakulangan ng mga gusaling paaralan,makabagong kagamitan at pondo para resolbahin ang pagbaba ng antas ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kinumpirma naman ni Usec. Densing na gumagawa ng mga hakbang at proyekto ang Eagles Club para matulungan ang mga mag- aaral sa pampublikong paaralan, sa sideline ng isinagawang induction ceremony ng Calabarzon Laguna Elite Eagles Club sa Okada Manila sa ParaƱaque City.
Pinasalamatan ni Densing ang kapwa miyembro at opisyal ng Eagles na tinawag niyang “mga ate at kuya” sa kahandaang pagmalasakitan ang mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship grant para sa higher education.
Malaking tulong ayon sa opisyal ang kontribusyon ng private sectors at Eagles Club upang itaguyod ang iba pang programa para sa basic education kasama na rito ang pagpapatayo ng karagdagang silid-aralan.
Ikinatuwa naman Calabarzon Laguna Elite Eagles Club Governor Rommel Avital ang pagbibigay importansya ni Usec. Densing sa ginagawang pagtulong ng samahan sa mga komunidad at kabataan.
Idinagdag ni Avital na patuloy din ang kanilang pagtulong sa mga kapatid na Mangyan at aktibong nagsasagawa ng tree planting activities bilang ambag ng grupo sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa tuwing Brigada Eskwela aniya ay laging tumutulong ang Agila sa mga pampublikong paaralan at marami pang magagawang hakbang dahil sa pakikiisa ng DepEd sa kanilang adbokasiya.
Inihayag din ni Avital na ang kasalukuyang Bise-Presidente ng bansa at kalihim ng DepEd na si Sara Duterte ay isang dakilang Agila ng Davao kaya malaking oportunidad ito upang makatulong din sila sa mga proyekto ng kagawaran lalo na sa mga pampublikong paaralan para sa ikabubuti ng kabataan. (Bhelle Gamboa)