Libreng Sakay sa EDSA Busway gagawing 24/7 simula sa Dec. 1
Simula sa December 1, 2022 ay gagawin ng 24/7 ang Libreng Sakay Program sa EDSA Busway.
Ito ang inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Ayon kay Bautista ang pagpapatupad ng 24/7 na Libreng Sakay sa EDSA Busway ay tatagal hanggang sa December 31, 2022.
Ito ay bilang tugon sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Holiday season at bunsod na rin ng pag-extend ng mall hours mula 11 AM hanggang 11 PM sa Metro Manila.
Paiigtingin din ng DOTr, sa pamamagitan ng InterAgency Council for Traffic – IACT ang security operations ngayong 24/7 na ang biyahe sa EDSA Busway.
Maglalabas din ang LTFRB ng Board Resolution upang gawing pormal ang direktibang ito sa mga operator ng EDSA Busway na nasa ilalim din ng Service Contracting Program ng nasabing ahensya.
Matatandaan na noong August 16, 2022 ay nagdagdag ng Php 1.4 bilyong pondo ang Department of Budget and Management (DBM), sa pangunguna ni Secretary Amenah F. Pangandaman, upang i-extend ang Libreng Sakay sa EDSA Busway at bilang suporta na rin sa implementasyon ng Service Contracting Program ng DOTr at LTFRB. (DDC)