MARINA nagpaliwanag sa isyu ng kakulangan sa Seafarers’ Record Books
Nagbigay ng paglilinaw ang Maritime Industry Authority (MARINA) hinggil sa umano ay pagkakaroon ng shortage o kakapusan sa Seafarers’ Record Books (SRB).
Ayon sa MARINA, hindi totoong kinakapos ang ahensya sa SRB gayunman, mayroong nararanasang hamon para sa paglalabas ng Seafarer Identity Document o SID Cards.
Ginawa ng MARINA ang pahayag kasunod ng ulat na mayroong shortage sa SID (Seafarer Identity Document) kaya may kakulangan din sa Seamans Book.
Ipinaliwanag ng MARINA na mayroong inaasahang delivery ng mga SID card sa Disyembre kaya inaasahang maitataas ang antas ng pag-iisyu ng SID sa sandaling dumating ang mga suplay sa bansa.
Sinabi ng MARINA na ang pagkaantala sa delivery ay dahil na rin sa pandaigdigang kakulangan ng mga chips.
Tiniyak naman ng ahensya na prayoridad sa pag-issyu ng SID cards ang mga seafarers na sasampa na ng barko. (DDC)