Kalusugan ng senior citizens, tutugunan ng RAISE Coalition
Nagkaisa ang iba’t ibang grupo mula sa mga ahensya ng pamahalaan, medical community at civil society na ilunsad ang Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE) Coalition na magsusulong sa kapakanan at kalusugan ng mga senior citizens sa buong bansa.
Sa pakikipagtulungan ng Pasay City local government unit (LGU) at iba pang sektor na kinatawan ay nanawagan para sa pag-amyenda ng Senior Citizens Act na layung mabigyan ng libreng bakuna laban sa trangkaso ang mga senior citizen o nakatatanda anumang estado ng kanilang buhay.
Bahagi nito,mahigit 200 na senior citizens sa Pasay City ang nabakunahan ng libreng influenza (flu) vaccine at COVID-19 booster shots sa naturang kaganapan.
Inilahad ni Philippine Foundation for Vaccination (PFV) President Dr. Rose Capeding na dapat apurahin na ang pagbibigay ng flu vaccines sa mga nakatatanda dahil sila ang nanganganib sa banta ng mga kumplikasyon kapag tinamaan ng trangkaso.
Binanggit din ni Dr. Gene Solante, na ang mga nakatatanda na tinatamaan ng influenza ay may mataas na tsansa na magkaroon ng mga kumplikasyon gaya ng atake sa puso o heart attack ng tatlo hanggang limang beses, stroke na dalawa hanggang tatlong beses sa unang dalawang linggo ng impeksiyon at matinding pneumonia.
“We also have to remember that we’re still in a pandemic, which means that senior citizens also still run the risk of COVID-19 co-infection,” ayon naman kay Dr. Eric Tayag ng Rotary Club Philippines.
Ang Senior Citizens’ Partylist, na kinatawan ni Congressman Rodolfo Ordanes at ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) ni Bayan Bakuna convenor Roderick Alapar ay kabilang sa RAISE Coalition.
“Marami pa rin takot sa ating mga senior citizens, kailangan natin ipagpatuloy ang pagkumbinsi at pag-assure sakanila na ligtas at kailangan nilang magpabakuna laban sa trangkaso,” sabi ni Alapar.
Plano ng koalisyon na makipag-ugnayan sa iba pang LGUs at sa posibleng makatuwang ang Department of Health (DOH) upang palakasin pa ang libreng pagbabakuna sa mga senior citizens.(Bhelle Gamboa)