1 milyong low-cost houses kada taon target ng administrasyong Marcos
Binanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang dinaluhang pulong sa Cambodia ang target ng kaniyang administrasyon na maisulong ang housing program sa bansa.
Ayon sa pangulo, kailangang makapagtayo ng anim na milyong housing units para sa mga mamamayang walang permanenteng tirahan.
Sa kaniyang roundtable meeting kasama ang mga Cambodian business leaders sinabi ng pangulo na target ng kaniyang administrasyon na makapagtayo ng isang milyong low-cost at socialized homes kada taon.
“It is an ambitious number but we will try very, very hard,” ayon kay Marcos.
Maliban sa mga bahay sinabi ni Marcos na kailangan ding bumuo ng komunidad kaya kailangan ding mayroong paaralan, palengke at malapit na pangkabuhayan.
Una nang inilunsad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Pambansang Pabahay para sa Pilipino program na layong makapagtayo ng isang milyong housing units kada taon o anim na milyon sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos. (DDC)