Hackers nag-demand ng $10M para sa ninakaw nilang medical records mula sa isang healthcare company sa Australia
Nag-demand ng $10 million ang mga hacker na nagnakaw ng medical records mula sa isang malaking healthcare company sa Australia.
Unang kinumpirma ng kumpanyang Medibank na napasok ng hackers ang kanilang medical records at kabilang sa na-access ng mga ito ang impormasyon na pag-aari ng 9.7 million na kasalukuyan at mga dati nilang kliyente.
Kasama sa nakuha ang medical record ni Prime Minister Anthony Albanese.
Nakapagpalabas na ang mga hacker ng tinawag nilang “naughty list” kung saan nakasaad ang mga pangalan ng mga sumailalim sa treatment para sa drug addiction, alcohol abuse at HIV.
Ang listahan ay inupload ng mga suspek sa tinawag nilang “dark web” forum.
Sa nasabi ring forum, nag-demand ang mga hacker ng US$ 10 million para itigil nila ang paglalantad ng medical records.
Ang Medibank ang itinuturing na largest private health insurer sa Australia. (DDC)