9,207 examinees nakakumpleto ng unang araw ng Bar Exams
Umabot sa 9,207 na candidates mula sa 10,006 na aplikante ang nakatapos sa unang araw ng 2022 Bar Examinations.
Ayon sa Korte Suprema, nakumpleto ng nasabing bilang ng mga examinees ang mga pagsusulit na ibinigay sa unang araw ng exams noong Miyerkules, Nov. 9.
Ang bilang na 9,207 na examinees ay kumakatawan ito sa 92.01% turnout.
Sa unang araw ng exams, Political Law and International Law ang ibinigay sa umaga at Labor Law naman sa hapon.
Sa ikalawang araw ng Bar Exams sa November 13, Criminal Law (and Practical Exercises) ang pagsusulit sa umaga habang Commercial Law naman sa hapon.
Personal na nagsagawa ng monioring si Supreme Court Associate Justice at 2022 Bar Examinations Committee Chairperson Alfredo Benjamin S. Caguioa sa mga testing sites sa Metro Manila sa unang araw ng Bar Exams.
Sumama din sa inspeksyon sina Chief Justice Alexander G. Gesmundo, Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, Justice Ramon Paul L. Hernando, Justice Amy C. Lazaro-Javier, Justice Rodil V. Zalameda, Justice Mario V. Lopez, Justice Samuel H. Gaerlan, Justice Jose Midas P. Marquez, at Justice Maria Filomena D. Singh, na pawang bumisita sa testing center sa Ateneo de Manila University.
Habang sina Justice Antonio T. Kho, Jr. at Justice Japar B. Dimaampao kasama si Justice Lopez ay nagpunta sa San Beda University testing center.
Binista din ni Justice Dimaampao ang De La Salle University at Manila Adventist College testing centers.
Ayon kay Caguioa, naging maayos ang unang araw ng 2022 Bar Examinations. (DDC)