Bantag hindi pa nakaaalis ng bansa ayon kay Sec. Remulla
Nananatili pa sa bansa ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.
Ayon kay Justice Sec. Cris Remulla, kahit suspendido ay nananatiling bahagi ng gobyerno si Bantag kaya hindi ito basta-basta makaaalis ng bansa kung walang travel authority.
Kasabay nito ay hinikayat ni Remulla si Bantag na magsumite ng kaniyang counter affidavit sa reklamong isinampa laban sa kaniya ng NBI at PNP kaugnay sa kaso ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Samantala, ibinunyag din ni Remulla na bago mangyari ang pagpatay kay Lapid ay nagtungo ang brodkaster sa bahay ni Bantag sa Laguna para kuhanan ng larawan ang bahay ng opisyal at ang mga sasakyan nito.
Ayon kay Remulla, sa impormasyon na kanilang nakalap, noong Sept. 9 ay bigong makadalo si Bantag sa graduation ceremony sa National Bilibid Prison (NBP) dahil nagalit ito nang malaman ang ginawa ni Lapid.
Nang malaman aniya ni Bantag na nasa Laguna si Lapid nang petsang iyon, ay agad itong bumalik ng Laguna at hindi na nakadalo sa seremonya.
“LALAKING CINDERALLA”
Noong Sept. 15, naglabas ng istorya si Lapid tungkol sa isang “Cinderella Man” na pinaniniwalaan si Bantag.
Noong Sept. 5, 2022, sa kaniyang programang “Lapid Fire” ipinakita ni Percy Lapid ang video na nagpapakita ng mga sasakyang nakahelera sa isang subdivision sa Laguna.
Ayon kay Lapid, labingisang sasakyan ang pag-aari ng opisyal na nakatalaga sa ilalim ng Department of Justice at nakatira ito sa mamahaling subdivision sa Laguna.
Kahina-hinala ayon kay Lapid ang biglang pagyaman ng nasabing opisyal na tinawag niyang “Lalaking Cinderalla”. (DDC)