Nasawi sa pananalasa ng bagyong Paaeng umakyat na sa 156 ayon sa NDRRMC
Nakapagtala na ng 156 na nasawi ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng.
Ayon sa NDRRMC, nakapagtala din ng 141 na nasugatan at mayroon pang 37 na nawawala.
Sa Situational Report ng NDRRMC na inilabas umaga ng Linggo (Nov. 6), umabot na sa kabuuang 4,623,408 na katao ang naapektuhan ng bagyo o katumbas ng mahigit 1,269,166 na pamilya.
Mayroon pang mahigit 107,000 na katao ang nananatili sa mga evacuation center.
Sa datos ng NDRRMC, umabot sa mahigit 9,481 mga barangay ang naapektuhan ng bagyo mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Ayon sa NDRRMC, nakapagbigay na ng mahigit P167 milyon halaga ng tulong ang pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo. (DDC)