Conditional Cash Transfer at fuel subsidy magpapatuloy ayon kay Pangulong Marcos
Itutuloy sa ilalim ng administrasyong marcos ang pagbibigay ng conditional cash transfer at fuel subsidy sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. magpapatuloy ang pagbibigay ng conditional cash transfer at subsidiya sa mga lubhang apektado ng inflation.
Patuloy din aniya ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng pagsasaka para matulungan silang makabangon sa pinsalang idinulot ng mga nagdaang kalamidad.
Ang mga ito ay bahagi ng malawakang tugon ng gobyerno para labanan ang mga hamong dulot ng pabago-bagong klima at upang mas maparami ang suplay ng pagkain.
Mamumuhunan din ang pamahalaan sa makabagong teknolohiya hindi lamang para makamit ang food security, kundi para mas tumaas ang kapasidad ng mga komunidad at negosyo na labanan ang mga bantang dala ng klima.
Para makatulong na mabawasan ang epekto ng pagbaha, landslide, at iba pang pinsala, prayoridad din ng pamahalaan na ayusin ang sistema sa water resource management. (DDC)