Paggunita sa Undas 2022 sa Metro generally peaceful
Ipinagmalaki sa ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Brigadier General Jonnel C. Estomo na “generally peaceful” ang paggunita ng UNDAS 2022 sa Metro Manila.
Dahil ito aniya sa pinalakas na presensiya ng mga pulis na ipinakalat sa iba’t ibang sementeryo, columbaria, pangunahing lansangan, transport terminal at iba pang lugar sa buong rehiyon kaya naging payapa at maayos ang selebrasyon ng All Souls at All Saints Day.
Kinumpirma ni ARD Estomo na walang naitalang malalaking insidente sa kabila na may ilang nagtangkang magdala ng mga ipinagbabawal na mga gamit sa loob at bisinidad ng mga sementeryo at columbaria matapos mapigilan ito ng mga pulis at kumpiskahin ang mga kontrabando sa pamamagitan ng masusing inspeksiyon.
Ang mabusising pagpaplano, paghahanda, at mabilis na pagresponde ng mga pulis ay malaking ambag sa napakagandang resulta sa pagkasabik ng publiko na mabisita o madalaw ang puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay matapos ang mga taon na pinagbawal dahil sa pandemya.
Maliban sa isinagawang safety at security operations, nagpatupad din ang mga dineploy na pulis ng mga COVID-19 related policies upang garantiyahan ang implementasyon ng minimum public health standards.
“I am elated and proud in the success of the initiatives we have undertaken to ensure that Undas 2022 is observed and celebrated safely, peacefully and solemnly for our people,” pahayag ng NCRPO chief.
Pinasalamatan din niya ang mga LGUs, NGOs, volunteer groups, force multipliers, mga miyembro ng advocates for peace at lalong lalo na sa ating mga kababayan na nakiisa at sumunod sa mga alituntuning kanilang inilatag upang masiguro ang kaayusan at kahimikan sa iba’t-ibang sementeryo sa ating rehiyon.
“Nawa po ay mapanatili natin ang kaayusang gaya nito lalo ngayong nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan,” ani BGen Estomo. (Bhelle Gamboa)