28-man team ng MMDA ipinadala sa Maguindanao
Nagpadala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 28-man team upang tumulong sa mga apektadong mga komunidad sa probinsiya ng Maguindanao matapos ang matinding pananalasa ng Bagyong Paeng noong nakaraang linggo.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na ang team ay binubuo ng mga tauhan ng Public Safety Division na magtutungo sa isang sinalantang bayan sa Maguindanao at lilipat din sa iba pang lugar para magbigay ng malinis na tubig sa mga biktima ng bagyo.
“The team will set up water purifiers in various communities with limited to no supply of clean water. Some will also help in the ongoing operations to clear the roads affected by massive flooding and landslides,” sabi ni Artes.
Ang deployment ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang iprayoridad ang paghahatid ng supplies ng maiinom na tubig sa mga biktima sa nasabing probinsiya.
Dala ng team ang 40 units ng portable water purification systems na may kapasidad ng pagfilter ng 180 na galon ng tubig kada oras at ilang materyales na gagamitin sa road clearing operations.
Naatasan ang mga ito na makipag-ugnayan sa 6th Infantry Division ng Philippine Army at manatili ng 15 na araw sa Maguindanao province.
Noong nakaraang linggo nagdala ng matinding ulan at malakas na hangin ang Bagyong Paeng dahilan upang maapektuhan ang libu-libong residente ng Maguindanao at iba pang bahagi ng bansa. (Bhelle Gamboa)