Mga magtutungo sa sementeryo sa Undas pinayuhang huwag manigarilyo
Iwasang manigarilyo sa loob ng mga pampublikong sementeryo at memorial park sa panahon ng paggunita sa Undas sa Nobyembre 1 at 2 – Iyan ang paalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Health (DOH).
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III na ang lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila ay may kani-kanilang komprehensibong smoke-free ordinances.
“All LGUs in NCR do not allow smoking in specific public places including cemeteries, memorial parks, and columbaria,” ani Dimayuga.
Aniya ang Metro Manila LGUs ay bumuo ng kanilang Smoke-Free Task Forces na sisiguro na masusunod ang smoke-free policies at ang mga lalabag nito ay pagmumultahin ng P500 hanggang P5,000.
Pinapayuhan ni Dimayuga ang mga bibisita sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay na magpatupad ng ibayong pag-iingat at sumunod sa COVID-19 minimum health protocols.
“People paying respect to their deceased loved ones may be exposed to tobacco smoke. Hence, anti-smoking policies will be strictly enforced for this year’s Undas,” dugtong nito.
Nanawagan naman sa publiko si Director Neomie Recio, Acting Head of MMDA Health, Public Safety and Environmental Protection Office na alamin ang iba pang nakalatag na alituntuning pangkalusugan.
“We encourage the public to comply with the guidelines on visiting cemeteries as the threat of the pandemic is still here,” pahayag ni Recio.
Samantala ayon sa paliwanag ng mga eksperto sa kalusugab na ang vapes at e-cigarettes ay mapanganib din dahil sa taglay nitong mataas na lason o toxic at addictive chemicals. Ang pagka-expose sa second-hand smoke maging sa second-hand aerosol ay mapanganib sa kalusugan ng mga hindi naninigarilyo o non-smokers.
Ang tabako o sigarilyo ay nagtataglay ng tinatayang 7,000 na mapanganib na mga kemikal, 70 rito ang cancer-causing substances (carcinogens) ayon sa DOH. (Bhelle Gamboa)