1,500 MMDA personnel ipakakalat para sa Oplan Undas 2022
Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko ang kahandaan ng ahensya para tiyakin ang ligtas na paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga III magpapakalat ng 1,500 na tauhan mula sa Traffic Discipline Office, Road Emergency Group, Metro Parkways Clearing Group, at Task Force Special Operations mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Kahapon ay nagsagawa na rin ng inspeksyon si Dimayuga sa ilang bus terminals sa Cubao, Quezon City.
Paalala ni Dimayuga sa mga operators at driver ng bus, ang mga provincial buses ay papayagan lamang sa pagdaan sa inilaang back door exits upang maiwasan ang matinding sikip ng trapiko sa EDSA.
Kabilang sa mga bus terminal na ininspeksiyon ay ang Five Star at Baliwag Transit sa EDSA.
Bukod sa bus terminals, idedeploy ang traffic personnel sa mga pangunahing lansangan na patungo sa mga sementeryo at transportation hubs dahil sa inaasahang libu-libong biyahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya upang magbigay respeto sa kanilang yumaong mahal sa buhay.
Nakatuon din sila sa kanilang mga operasyon sa entry at exit points patungo at buhat sa Metro Manila.
Suspendido naman ang Unified Vehicular Volume Reduction Program o number coding scheme sa Oktubre 31 at Nobyembre 1 (All Saints’ Day) na parehong special non-working holidays.
Maglalagay naman ang Road Emergency Group ng public assistance centers na may mga tents at ambulansiya upang asistehan ang publiko at magbigay ng rescue services sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila kabilang ang Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park, Bagbag Public Cemetery, at San Juan Public Cemetery.
Inatasan naman ang sidewalk and road clearing groups na alisin ang lahat ng uri na makasasagabal sa mga pangunahing kalsada partikular na ang mga daanang papuntang sementeryo.
Pangangasiwaan ng mga myembro ng Metro Parkways Clearing Group ang pagpapanatili ng kalinisan sa bisinidad ng mga sementeryo at memorial parks.
Ang Metrobase Command Center and Digital Media Group ang naatasang magmonitor ng sitwaston ng trapiko sa Metro manila para tugunan ang mga alalahanin ng publiko at magbigay ng real-time traffic updates. (Bhelle Gamboa)