LRT-2 nakahanda na para sa Oplan Undas 2022
Para maserbisyuhan ang mas maraming pasahero, regular na operasyon pa rin ang ipatutupad ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa paggunita ng Undas.
Pagtitiyak ng LRTA, may sapat na bilang ng mga empleyado sa lahat ng istasyon ng LRT-2 partikular na sa ticketing booths upang hindi maantala ang serbisyo nito ngayong ‘Long Undas Break.’
Patuloy rin na aalalay at tutugon sa pangangailangan at hinaing ng mga pasahero ang mga security marshall sa loob ng tren at iba pang frontline personnel ng LRTA.
Bukod dito, mahigpit na seguridad ang ipatutupad sa lahat ng istasyon ng tren para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero gaya ng istriktong pagpapatupad ng “No Inspection/Frisking-No Entry” policy.
Samantala, pinaalalahanan naman ang mga pasahero na sumunod pa rin sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask upang makaiwas sa COVID-19.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng disinfection at sanitation sa mga tren at pasilidad ng LRT-2. (DDC)