DepEd walang panahon sa historical revisionism ayon kay VP Sara; Martial Law rebranding sa ilang textbooks itinanggi
Itinanggi ng Department of Education (DepEd) na nagkaroon ng “rebranding” ng kasaysayan ng bansa sa ilang mga textbooks na ginagamit ngayon ng mga mag-aaral.
Ang pahayag ay ginawa ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte kasunod ng mga nag-viral na ulat na mayroong mga textbook kung saan ang Martial Law ay tinawag na “new society”.
Ayon sa kalihim, ang terminong “New Society”, “Bagong Lipunan” at “Martial Law” ay pawang mga “historical facts”.
Ang “New Society” ay programa na inilunsad aniya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ang mga terminong ito ayon kay VP Sara ay ginagamit na sa mga DepEd textbook simula pa taong 2000.
Paliwanag pa ng kalihim, ang social media post ng isang learner mula sa Marinduque kaugnay sa paggamit ng isang DepEd module na may katagang “New Society” ay makikitang nakatutok lamang sa iisang linya.
Hindi umano ipinakita ang buong pahina ng module kaya kulang ito sa konteksto at maaari itong baluktutin ng mga bumabatikos sa DepEd at nagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa rebranding at historical revisionism.
Ang buong pahina ayon kay VP Sara ay malinaw na tumatalakay sa mahabang panahon ng batas militar o Martial Law at ng EDSA Revolution.
Sinabi rin ni VP Sara na bilang kalihim ng DepEd, wala sa kaniyang mandato ang pagsira ng integridad ng kasaysayan ng bansa.
Ang DepEd ay kasalukuyang abala aniya sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas at walang panahon ang kagawaran para sa historical revisionism na pilit na iginigiit ng ilang mga anti-Marcos groups. (DDC)