Operasyon ng Cebu Airport partial lang muna matapos mag-overshoot ang eroplano ng Korean Airlines
Mananatiling partial ang operasyon ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ngayong araw matapos ang insidenteng kinasangkutan ng eroplano ng Korean Airlines.
Sa inilabas na notice to airmen (NOTAM) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hanggang mamayang 6:00 ng gabi ngayong Martes (Oct. 25) ay magkakaroon ng partial operability sa MCIA.
Sa hiwalay na pahayag naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Lapu Lapu City, tanging ang mga A320 at mas maliliit na aircraft ang makabibiyahe sa paliparan sa pagbubukas nito ngayong araw.
Nakikipag-ugnayan na ang CAAP sa Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) para makumpleto ang extraction sa Korean Airlines A330 aircraft.
Lalapag sa nasabing paliparan ang eroplano galing ng Incheon nang sumadsad ito sa runway.
Mabilis namang nailikas ang lahat ng pasahero at mga crew ng eroplano.
Sinimulan na rin ng CAAP ang pagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy kung ano ang naging sanhi ng insidente. (DDC)