Gerald Bantag ng Bucor, 159 na iba pa itinuturing na persons of interest sa pagpatay kay Percy Lapid
Mayroong 160 na persons of interests ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa totoong buhay.
Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, kabilang sa persons of interest ay ang suspendidong director general ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.
Sinabi ni Azurin na sinuri nila ang nasa 600 posts ni Lapid at umabot sa 160 na personalidad ang nailista nilang madalas na target ng brodkaster sa kaniyang programa mula taong 2021.
Kinabibilangan aniya ito ng mga pulitiko, military at pulis.
Nang tanungin si Azurin kung kasama dito si Bantag ay kinumpirma ng PNP chief na kabilang ang nasuspindeng BuCor director.
Magugunitang pumanaw sa Bilibid ang tinukoy na umano’y “middleman” sa kaso ng pagpaslang kay Lapid.
Ang pagkasawi nito ay ilang oras lamang matapos lumantad ang nagpakilalang gunman sa krimen. (DDC)