Pamunuan ng Korean Air tiniyak ang pakikipagtulungan sa mga otoridad sa imbestigasyon sa nag-overshoot na eroplano sa MCIA
Humingi ng paumanhin ang management ng Korean Air matapos ang insidenteng kinasangkutan ng eroplano nito sa Cebu Mactan International Airport.
Galing ang Flight KE631 sa Incheon Airport at palapag sa Cebu Airport nang mag-overshoot sa runway ang eroplano.
Ayon kay Korean Air President Keehong Woo, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa nangyari.
Tiniyak din ng opisyal na makikipagtulungan sa mga aviation authorities ng Pilipinas at Korean authorities para matukoy ang sanhi ng insidente.
Humingi ng paumanhin ang opisyal sa abala na naidulot ng insidente sa mga pasahero.
Tiniyak din nito na patuloy ang commitment ng pamunuan ng Korean Air para masiguro ang ligtas na operasyon ng kanilang mga eroplano.
“We remain committed to standing behind our promise of safe operations and will do our very best to institute measures to prevent any recurrence. Our overall goal is for our valued guests to trust that Korean Air will treat them well, and honor us with the opportunity to welcome them once again,” ayon sa pahayag. (DDC)