Paglalagay ng exclusive lanes para sa bisikleta,PUV, at motorsiklo sa Commonwealth Ave. aprubado ng MMC
Maglalagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng eksklusibong linya para sa bisikleta, public utility vehicles, at motorsiklo sa Commonwealth Avenue upang siguruhin ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada at mapagaan ang daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Ito ang napagkasunduan sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng mga alkalde ng Metro Manila para sa paglalagay ng exclusive lanes upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Ayon sa Road Crash Statistics mula sa MMDA Traffic Engineering Center, nasa kabuuang 1,010 fatal, non-fatal, at damage to property accidents na kinasasangkutan ng mga motorsiklo sa Commonwealth Avenue.
Inilahad ni MMDA Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga III na ang exclusive motorcycle lanes ay ipatutupad habang nakabinbin pa ang adjustments sa rekomendasyon ng Quezon City LGU.
“The exclusive motorcycle lanes located at the third lane from the right along Commonwealth will depend upon the road conditions as the road has some inconsistencies in terms of lane width due to different construction projects,” ani Dimayuga.
Batay sa MMDA Resolution No. 22-15, ang right outermost lane ng Commonwealth Avenue ay inilaan bilang exclusive bicycle lane.
Ang ikalawa at ikatlong linya naman ay para naman sa Public Utility Vehicle gaya ng jeep, UV Express at bus at motorcycle lane na rin.
Inilaan naman ang natitirang lanes sa Commonwealth Avenue para sa iba pang sasakyan.
Ang MMDA sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin sa Quezon City LGU ay magkakabit ng kaukulang traffic signs at maglalagay ng lane markings sa Commonwealth Avenue magmula sa Elliptical Road hanggang Doña Carmen Subdivision at vice versa bilang gabay sa mga motorista.
Samantala, inaprubahan din ng MMC ang implementasyon ng temporary truck ban sa Roxas Boulevard habang may isinasagawang konstruksiyon ang DPWH sa lugar partikular sa harapan ng U.S Embassy.
Isinasaad sa MMDA Resolution No. 22-16, na ang mga truck at trailer, na may gross capacity weight na higit 4,500 kilograms ay pansamantalang pinagbabawalang dumaan magmula sa Roxas Boulevard, Manila upang maiwasang masira at gagamitin ang orihinal na mga ruta ng trak buhat sa SLEX hanggang Osmeña Highway hanggang President Quirino Avenue o magmula sa Port Area hanggang SLEX.
From SLEX to Port Area
Magmula sa South Luzon Expressway diretso hanggang Osmeña Highway patungong Pres. Quirino Avenue, kaliwa sa Plaza Dilao papuntang Pres. Quirino Ext., kaliwa sa U.N Avenue, kanan sa Romualdez, kaliwa sa Ayala Avenue/P. Burgos Avenue, kumanan Bonifacio Drive hanggang sa destinasyon.
From Port Area to SLEX
Buhat sa Bonifacio Drive, kumaliwa sa P. Burgos/Ayala Blvd. bago kumanan sa San Marcelino, kaliwa sa Pres. Quirino Avenue at kanan sa Pres. Osmeña highway hanggang SLEX.
Samantala, sinabi rin ni Dimayuga na magpapatupad ang ahensya ng moratoryum ukol sa mga paghuhukay ng kalsada, maliban para sa flagship projects ng gobyerno mula sa Nobyembre 14 hanggang Enero 2 bilang bahagi ng traffic mitigation measures ng MMDA para sa holidays. (Bhelle Gamboa)