Global health emergency sa COVID-19 mananatili ayon sa WHO
Wala pang balak ang World Health Organization (WHO) na bawiin ang pinaiiral na global health emergency dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa idinaos na emergency meeting ng WHO kaugnay sa COVID-19, napagpasyahan na panatilihin ang public health emergency of international concern (PHEIC) status sa nasabing sakit na unang idineklara noong January 2020.
Sinabi ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na batay sa rekomendasyon ng komite, kailangang paigtingin pa ang surveillance at palawigin ang access sa COVID tests, treatments at pagbabakuna.
Ayon sa datos ng WHO, umaabot pa din sa mahigit 200,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa magdamag.
Bagaman bumuti na ang global situation kumpara noong umpisa ng pandemya, nagabbala si Tedros na patuloy ang pagbabago ng virus kaya nananatili ang banta nito.
Sa kabuuan, simula noong mag-umpisa ang pandemya ay umabot na sa mahigit 622 million ang naitalang kumpirmadong kaso sa buong mundo at mayroong mahigit 6.5 million na nasawi. (DDC)