LPA sa loob ng bansa naging ganap na bagyo; pinangalanang Obet ng PAGASA
Nabuo na bilang tropical depression ang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA sa bahagi ng Northern Luzon.
Ang bagyo na pinangalanang Obet ng PAGASA ay huling namataan sa layong 1,055 kiloemters east ng Extreme Northern Luzon.
Taglay ng tropical depression Obet ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 10 kilometers bawat oras sa direksyong northwest.
Ayon sa PAGASA, simula sa Biyernes (Oct. 21) ang bagyong Obet ay magdudulot na ng katamtaman hanggang sa malakas at kung minsan at matinding buhos ng ulan sa Babuyan Islands, Ilocos Norte, Apayao, at sa northern portion ng mainland Cagayan.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Batanes, northern portion ng Ilocos Sur, Abra, Kalinga, at sa nalalabi pang bahagi ng mainland Cagayan.
Sa Sabado (Oct. 22) ng umaga hanggang tanghali, makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Batanes, Babuyan Islands, Apayao, Ilocos Norte, at sa northern portions ng Abra at Ilocos Sur.
Ayon sa PAGASA simula mamayang gabi o bukas ay maaari nang magtaas ng tropical cyclone wind signal sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Inaasahan ding lalakas pa ang bagyo at aabot sa tropocal storm category. (DDC)