Gunman sa Percy Lapid slay sumuko na sa pulisya; isang “nasa loob umano ng Bilibid” tinukoy bilang mastermind

Gunman sa Percy Lapid slay sumuko na sa pulisya; isang “nasa loob umano ng Bilibid” tinukoy bilang mastermind

Sumuko na ang gunman na nakapatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa totoong buhay.

Iprinisinta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang suspek sa press briefing sa Camp Crame.

Ayon sa suspek na kinilalang si Joel Estorial, mayroong nag-utos sa kaniya para patayin si Lapid.

Dalawang iba pang suspek ang tinukoy ni Estorial na kasabwat niya sa krimen na sina Edmon at Israel Dimaculangan na ngayon ay pinaghahanap na ng mga otoridad.

Habang isang alyas “Orly” pa ang tinukoy ni Estorial na kasama nila na nagmaneho umano ng motorsiklo.

Sinabi ng suspek na sumuko siya bunsod ng pangamba sa kaniyang buhay at nakunsensya siya sa kaniyang ginawa.

Humingi din siya ng paumanhin sa nangyari na nagawa lamang umano niya dahil sa matinding kahirapan.

Sinabi ni Abalos na nagsumite na ng extrajudicial confession.

Sinabi ni Abalos na malalimang imbestigasyon ang isinagawa sa kaso kaya hindi masasabing hindi fall guy ang sumukong suspek.

Panawagan ni Abalos sa magkapatid na Dimaculangan, sumuko na rin sila gaya ng ginawa ng gunman.

Nang tanungin ni Abalos si Estorial kung sino ang nag-utos sa kaniya, sinabi nitong “galing sa loob” o sa Bilibid ang taong nag-utos para ipapatay si Lapid.

Kuwento ni Estorial, batay sa plano, siya at ang magkapatid na Dimaculangan ang naatasang bumaril kay Lapid depende sa kung sino ang matatapat o mas malapit sa biktima.

Nagkataon ayon kay Estorial na siya ang natapat kay Lapid kaya binaril niya ito.

May banta din kasi aniyang siya ang papatayin kapag hindi niya itinuloy ang pagpatay sa biktima.

Binayaran umano sila ng P550,000 at P140,000 ang napunta sa kaniya na pumasok sa kaniyang bank account.

“Sana po mapatawad po ako nila, hindi ko naman po kagustuhan iyon,” ayon kay Estorial.

Hindi naman na nagbigay ng iba pang detalye si Abalos, dahil patuloy aniya ang imbestigasyon at mahalaga aniyang matukoy ang mastermind sa krimen. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *