16 na Thai nationals na pinagtatrabaho sa POGO nailigtas sa Pampanga
Nasagip ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO)
at Southern Police District (SPD) kasama ang mga elemento ng CIDG Pampanga at Mabalacat City Police Station ang 16 na Thai nationals sa isinagawang rescue operations sa R6 Fontana Clark Free zone, Pampanga.
Ayon kay NCRPO Chief Brigadier General Jonnel C. Estomo ang operasyon ay ikinasa kasunod ng liham mula kay Minister Counselor Kritreya Lepkao ng Royal Embassy hinggil sa report na ang mga Thai nationals ay sapilitan umanong pinagtatrabaho at sobra-sobra ang oras nang walang bayad ng kanilang employer na Shedaikeji Technology na isang POGO company.
Natuklasan din na ang mga pasaporte ng mga biktima ay hawak ng kanilang employer.
Nagpahayag ang mga biktima ng kanilang intensyon na bumalik sa Thailand sa lalong madaling panahon at nagdesisyon na huwag nang maghain ng kaukulang kaso laban sa kanilang employer.
“Binabati ko po ang ating mga kasama na naging dahilan upang maisakatuparan at maisagawa ang misyon na ito para sa mga biktimang Thai Nationals na ating narescue. Ikinalulugod ko po na ligtas silang naihatid sa kanilang embahada upang mabigyan ng naaayong tulong at suporta sa pagbalik sa kanilang bansa.
Nananawagan po ako sa ating mga kababayan na kung mayroong kahinahinalang mga aktibidad sa inyong lugar ay huwag po kayong mag atubili na ireport ito agad sa pinaka malapit na himpilan ng pulisya.” pahayag ni BGen Estomo.
Ang mga nasagip na Thai nationals ay ligtas na itinurn-over sa Embahada ng Thailand. (Bhelle Gamboa)