Quezon Cong. Atty. Mike Tan isinusulong ang pagbuwag sa PITC
Hiniling ni Quezon 4th District Representative Keith Micah “Atty. Mike” D.L. Tan na madaliin ang pagbuwag sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Kaugnay ito sa pagsusuring ginagawa ng Governance Commission for GOCCs (GCG) para sa posibleng pagpapasara sa Philippine Pharma Procurement Inc. (PPPI), dating PITC Pharma Inc., na isang sangay ng PITC.
Ito ay makaraang mapaulat na ang PPPI ay “under evaluation for actual abolition” ayon kay GCG Director Johann Carlos Barcena bunsod na rin sa matagal nang pagkalugi ng korporasyon.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Tan na ang patuloy na pagkalugi ng PPPI, ang kaisa-isang pharmaceutical GOCC na may mandatong maglaan ng mura ngunit kalidad na mga gamot sa publiko, ay sumasalamin sa kawalang silbi ng PITC na gampanan ang mga tungkulin nito.
Batay sa independent auditor’s report ng Commission on Audit (COA) sa financial statements ng PITC para sa mga natapos na taon ng Disyembre 31, 2021 at 2020, napag-alamang ang PITC ay walang kakayahang kumita ng malaki mula sa mandato nitong pandaigdigang kalakalan.
Sinabi ng COA na umaabot sa P11.022 bilyon ang halaga ng mga balanse ng fund transfers mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa pagbili ng mga proyekto ang hindi nagamit ng PITC.
Ang nasabing halaga ayon sa COA ay hindi rin naisauli ng PITC sa mga ahensya o hindi kaya ay sa Bureau of Treasury.
Sa halip ay itinabi ang pondo bilang panggastos para sa mga susunod na taon na isang malinaw na paglabag sa COA Circular at General Appropriations Act.
Nakatipid din umano sana ang pamahalaan ng halagang P2.166 milyon kung ikinonsidera ng PITC ang pinakamababang presyo sa pagbili ng bawat bagong Personal Protective Equipment (PPEs) imbes na ibigay ang award sa isang bidder na magsusuplay ng lahat ng PPEs sa halagang P186.584 milyon.
Dagdag pa ni Cong. Tan, napaglipasan na ng panahon ang PITC dahil na rin sa pagpapatupad ng “trade liberalization” at pagbabawal sa mga ahensya ng gobyerno na mag-outsource ng kanilang mga binibili mula sa PITC.
Sa ilalim ng House Bill 4681 ni Tan, isinusulong nito ang pagbubuwag sa PITC kung saan kanyang ipinanukala na ang mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan na ang bibili ng kanilang mga sariling supplies at equipment.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) naman ang kukuha ng mga tungkulin ng PITC patungkol sa pagbibigay daan sa mga trade-related services, responsive business solutions, at trade-related government-to-government transactions.
Inaasahan na ang abolisyon ng PITC ay makakatulong upang makatipid ang pamahalaan at labanan ang katiwalian sa harap na rin ng mga napabalitang ginagawang mistulang lalagyan ng ilang mga national government agencies ng kanilang unobligated funds ang PITC upang maiwasan ang pagbalik ng mga hindi nagamit na pondo sa national treasury at paggamit nito bilang yearend bonuses.