Mga pribadong paaralan pinayagan na ng DepEd na ipagpatuloy ang blended learning at full distance learning
Pinapayagan ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong paaralan na maipagpatuloy ang pagpapatupad ng blended learning at full distance learning kahit lagpas ng Nobyembre.
Inamyendahan ng DepEd ang nauna nitong kautusan na nag-aatas sa lahat ng public at private schools na magpatupad ng full face-to-face classes simula Nov. 2. 2022.
Sa inilabas na inamyendahang department order, sinabi ng DepEd na maaaring mamili ang mga pribadong paaralan kung magpapatupad ng 5 days in-person classes, blended learning modality o full distance learning.
Sa ilalim ng blended modality, maaaring magkaroon ng tatlong araw na in-person classes at dalawang araw na distance learning na kalaunan ay gagawing apat na araw na in-person classes at isang araw na distance learning
Ayon sa DepEd, kinunsidera ang kasalukuyang sitwasyon ng mga pribadong paaralan dahil sa naging epekto ng Covid-19 pandemic kabilang ang kanilang pag-invest sa online learning technologies, pagbuo ng best practices sa blended learning, at ang hindi inaasahang pagsasara ng ibang pribadong paaralan.
Sa pagpapairal ng learning modality umaasa ang DepEd na ikukunsidera ng mga magulang, guardians, at mga pribadong paaralan ang scientific studies na nagsasaad ng advantages ng in-person classes kumpara sa online learning.
Ang mga pampublikong paaralan ay kailangan pa ding makasunod sa nilalaman ng orihinal na department order at simula Nov. 2, 2022 ay dapat makapagpairal na sila ng 5 days in-person classes. (DDC)