Batas na nagpapaliban sa Barangay elections kinuwestyon sa Korte Suprema
Kinuwestyon sa Korte Suprema ang batas na nag-aatas ng muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections mula December 2022 patungong October 2023.
Sa kaniyang petisyon na inihain sa Supreme Court, sinabi ng batikang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na walang kapangyarihan ang Kongreso na ipagpaliban ang barangay elections at palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay.
Sa ilalim ng Saligang Batas, binibigyan aniya ng kapangyarihan ang Kongreso na itakda ang panahon ng panunungkulan ng mga barangay officials, pero hindi maaaring ma-extend ang kanilang panunungkulan at hindi puwedeng maipagpaiban ang nakatakdang halalan.
Hindi naman kasama sa kinuwestyon ni Macalintal sa kaniyang petisyon ang pagpapaliban sa SK elections.
Paliwanag ni Macalintal, ang SK elections ay nilikha ng Kongreso at hindi ito nakasaad sa Saligang Batas.
Sinabi ni Macalintal na tanging ang Commission on Elections lamang ang may kapangyarihan na ipagpaliban ang halalan sa ilalim ng Section 5 ng Omnibus Elections Code. (DDC)