Bagyong Neneng magpapaulan pa rin sa Ilocos kahit nasa labas na ng bansa
Kahit nakalabas na ng bansa ang Typhoon Neneng, makararanas pa rin ng pag-ulan ang Ilocos dahil sa buntot ng bagyo.
Ang bagyong may international name na Nesat ay huling namataan ng PAGASA sa layong 430 kilometers west ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometers bawat oras sa direksyong pa-kanluran.
Ayon sa PAGASA ngayong araw ay makararanas pa rin ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Sur at Ilocos Norte dahil sa buntot ng bagyo.
Ganito din ang magiging lagay ng panahon sa Occidental Mindoro, Palawan at Western Visayas dahil naman sa Southwesterly Surface Windflow.
Habang localized thunderstorms naman ang iiral sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa. (DDC)