SIM Card Registration Act: Pasok sa unang 100-araw ni Cong. “Atty Mike” Tan
Pormal nang nalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11934 o ang “SIM Card Registration Act” na isa sa mga isinulong na panukalang batas ni Congressman Keith Micah “Atty. Mike” D.L. Tan sa kanyang first 100 days bilang kinatawan ng 4th District ng Quezon.
Layunin ng nasabing batas na masawata ang paglaganap ng kriminalidad sa pamamagitan ng text spam at scam messages na bumibiktima sa maraming subscribers.
Nakasaad sa bagong batas ang pagpaparehistro ng lahat ng postpaid at prepaid mobile phone subscriber identity module (SIM) cards na naglalayong mabawasan ang illegal na aktibidad gamit ang mga cellphones.
Ang bawat public telecommunications entity (PTE) at authorized seller ay oobligahin ang ‘end user’ o ang mga gumagamit ng SIM card, Pilipino man o dayuhan, na irehistro ang kanilang prepaid o postpaid SIM.
Pinasalamatan ni Cong. Tan si Pangulong Marcos at ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa mabilis na pagsasabatas upang puksain ang text scams.
“I thank the President and both Houses of Congress for wasting no time in enacting the ‘SIM Registration Act’ amid countless victims of text scams and proliferation of ransom demands through untraceable mobile numbers”, pahayag ng batang kongresista.
Aniya, “Tapos na ang maliligayang araw ng maraming kriminal at scammers”. Bagamat mahalaga ang pagkakapasa ng batas ayon kay Cong. Tan, kanyang binigyang diin na dapat ipatupad ng mabilisan ang National ID System upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng SIM card.
“I join the call of telecommunication firms and other sectors for the full rollout of the National ID System to ensure a verifiable and fool-proof identification system because the falsification of ID cards may serve as a loop hole to the law”, paliwanag ng kongresista.
Nanawagan rin si Cong. Tan sa pamahalaan na tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng batas at siguruhing hindi ito lalabag sa mga karapatang pantao ng mamamayan. (DDC)