Pag-dighay ng mga baka sa New Zealand, target mabawasan
Sa New Zealand, gumagawa ng paraaan ang mga scientists upang mabawasan ang pag-dighay o methane emissions ng mga baka mayroong hindi magandang naidudulot sa kapaligiran.
Target ng mga otoridad sa New Zealand na maibaba ng 10 percent ang biogenic methane emissions ng mga baka sa taong 2030 at 47 percent pagsapit ng 2050.
Para magawa ito, ang Fonterra Research and Development Centre ay naghahalo ng Kowbucha powder sa milk-like drink na ipinaiinom sa mga baka sa Massey University farm sa Palmerston North.
Bahagi ito ng pag-aaral para malaman kung gaano ka-epektibo ang probiotic upang mabawasan ang pag-dighay ng mga baka.
Sa taong 2024 target ng Fonterra na makapaglabas na sa merkado ng Kowbucha powder na nasa sachet para magamit ng mga nag-aalaga ng baka.
Ang digestive systems ng mga baka at tupa ay nagpo-produce ng methane kapag nagdi-digest sila ng gulay.
Base sa pag-aaral malaking bahagi ng greenhouse gas emission sa New Zealand ay galing sa agricultural emission.
Noong buwan ng Hunyo, sinabi ni James Shaw, climate change minister ng New Zealand na kailangan nang bawasan ang amount ng methane na napupunta sa atmosphere.
Binanggit din noon ni Shaw ang posibilidad na pagbayarin ng buwis ang mga farmers sa bawat gas emissions pagsapit ng taong 2025.
Habang ang mga farmers naman na makapagpapababa ng gas emissions ay bibigyan ng insentibo. (DDC)