First 100 days ni Quezon Gov. Doktora Helen Tan; tumutugon na mga serbisyo, maayos na QMC itinampok

First 100 days ni Quezon Gov. Doktora Helen Tan; tumutugon na mga serbisyo, maayos na QMC itinampok

Pormal nang minarkahan ni Doktora Helen Tan ang kanyang unang 100-araw sa pwesto bilang gobernadora ng lalawigan ng Quezon sa pagtatampok ng kanyang mga inilunsad na serbisyo at reporma.

Kabilang sa mga isinulong ni Tan ang maayos na paghahatid ng health services sa Quezon Medical Center (QMC) matapos na ipag-utos ang mga bagong polisiya at sistema sa pagpapatakbo ng ospital.

Naisakatuparan din ang pagtatayo ng Provincial Government Satellite Offices sa lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan para sa mas mabilis at maginhawang paglalaan ng tulong sa mga nangangailangan.

Sa kanyang First 100 Days Address na ginanap sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan na pinangunahan ni Vice Gov. Third Alcala, nabanggit din ni Tan ang mga problemang kanyang kinaharap noong kanyang pag-upo sa kapitolyo.

“We presided over the province one hundred days ago that is deep in debt and in financial disarray – isang lalawigang may malaking pagkakautang at masalimuot na pananalapi ang sa atin ay bumulaga”, paliwanag ng gobernadora.

Iniulat ni Tan ang P1.1 billion na pagkakautang ng lalawigan na ginamit para sa mga proyektong hindi pa napapakinabangan o ;di naman kaya ay walang malaking pakinabang sa mamamayan.

Para maisaayos ang pananalapi ng lalawigan, kaniya ring ipinag-utos ang pagtatayo ng price monitoring committee sa ilalim ng General Services Office.

Gayundin ang pagtiyak na ang halaga ng lahat ng purchase requests ay alinsunod sa presyo sa merkado upang makatipid at maiwasan ang katiwalian.

Ibinida rin ni Tan ang agad na paghahanda at paghahatid tulong ng kapitolyo para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Karding kung saan humigit-kumulang P37 million ang halaga ng financial assistance na naipamahagi sa mga biktima.

Ang talumpati ni Tan ay mainit na tinanggap ng Sangguniang Panlalawigan at binigyang pugay ng iba’t ibang mga sektor.

Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa national government agencies, local government units, non-government organizations, people’s organizations at private sector.

“I am never as inspired and as committed as I am now because I know that in spite of the difficulties, in the face of the obstacles, and amid the challenges – change is possible, change can happen, and the people are rooting for us to make this change come true”, Dagdag ni Gob. Helen.

Dagdag pa niya, “Sa gitna ng mga hamon at suliranin na ating kinakaharap, unti-unti nating binibigyang daan ang mga pagbabagong inaasam at inaasahan ng mamamayan”.

Binigyang diin ni Tan na matapos ang First 100 days, mayroon na lamang natitirang isang libong araw upang para magawa ang mandatong ipinagkatiwala ng mamamayan.

“A progressive and healthy Quezon Province as the prime agri-tourism destination in the region by 2030, uplifted by reliable and inclusive services, competent leadership, and empowered citizenry.” ani Tan.

Sa pagtatapos ng kanyang ulat para sa unang isangdaang araw, pormal nang isinumite ni Gob. Helen sa Sangguniang Panlalawigan ang napagkasunduang Executive-Legislative Agenda (ELA) kung saan napapaloob ang kanyang mga programa, proyekto, at inisyatibang gagawin sa natitirang mga araw ng kanyang unang termino sa pamamagitan ng kanyang platapormang HEALING na tumatayo para sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance.

Hiniling rin niya sa Sanggunian ang mabilis na pagpasa ng mga kinakailangang ordinansa at resolusyon tulad na lamang ng ordinansa para sa Universal Health Care (UHC) sa Quezon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *