Coast Guard personnel na nanguna sa Gunner’s Mate course sa US ginawaran ng parangal
Binigyang parangal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang tauhan na nanguna sa Gunner’s Mate “A” School Class 03-2022 na isinagawa sa U.S. Coast Guard (USCG) Training Center sa Yorktown, Virginia, U.S.A.
Si Coast Guard Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu mismo ang nagsabit ng Coast Guard Outstanding Achievement Medal and Ribbon kay CG Petty Officer Third Class (PO3) Jean Paul Tolin.
Ito ay bilang pagkilala sa kanyang matagumpay na magtatapos sa 𝐆𝐮𝐧𝐧𝐞𝐫’𝐬 𝐌𝐚𝐭𝐞 course.
Si Tolin ang itinanghal bilang top 1 student matapos na makapagtala ng final grade na 97.1 percent.
Kasama niya sa naturang kurso ang 16 na estudyante ng USCG at tatlo pang international students mula sa PCG at Lebanese Navy.
Ayon kay Abu, sa karangalang ito, napatunayan ni Tolin ang galing ng mga Coast Guardians sa paghahasa sa kanilang kaalaman at kakayahan para makapagbigay ng mas kapakipakinabang na serbisyo publiko. (DDC)