3 pang crew ng lumubog na tugboat sa Occidental Mindorm nailigtas na – PCG
Ligtas na ang lahat ng walong crew ng isang tugboat na lumubog sa Golo Island, Looc, Occidental Mindoro noong Sabado (Oct. 8).
Nagsagawa ng search and rescue (SAR) operation ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos maiulat na 3 sa 8 crew ng tugboat na Betheva 2 ang nawawala.
Ayon sa kapitan ng tugboat na si Alfie Dangue, naglalayag sila mula South Harbor, Maynila papuntang Rio Tuba, Palawan nang may nasalubong silang malaking alon na naging dahilan para pasukin ng tubig ang engine room.
Ilang sandali pa ay tuluyang lumubog ang tugboat.
Lima sa mga tripulante ng tugboat ang nailigtas ng dumadaang motorbanca na RG Brothers.
Dinala sila ng naturang bangka sa Barangay Talaotao, Looc, Occidental Mindoro para mabigyan ng karagdagang tulong.
Habang ang 3 pang crew ng tugboat na nakilalang sina Joshua Brizal, Jerome Feildad at isang alyas Jay ay nailigtas na ng mga residente ng Barangay Talaotao ngayong Linggo (Oct. 9) ng umaga.
Ayon sa PCG, pawang maayos ang kalagayan ng walong tripulante ng lumubog na tugboat. (DDC)