Pangulong Marcos iniutos ang mas maigting na safety measures sa PNP Custodial Center matapos ang hostage taking incident
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang pinaiiral na safety measures sa Camp Crame kasunod ng tangkang pagpuga ng tatlong preso at pag-hostage kay dating Senador Leila De Lima.
Sa pahayag sinabi ni Office of the Press Secretary (OPS) Undersecretary at OIC Cheloy Garafil na pinatitiyak ng pangulo na hindi na mauulit ang nasabing insidente sa Custodial Center at sa iba pang PNP detention centers.
Ayon kay Garafil base sa ulat na nakarating sa Malakanyang mula sa PNP, nangyari ang hostage-taking incident 6:30 ng umaga ngayong Linggo (Oct. 9).
Ang mga preso na kinilalang sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan, at Feliciano Sulayao ay nagtangkang tumakas sa kasagsagan ng pagrarasyon ng pagkain sa mga bilanggo.
Hinostage ng mga ito si Police Corporal Roger Agustin at si De Lima.
Nasa ospital na si Agustin at ginagamot matapos magtamo ng saksak sa katawan.
Hindi naman nasugatan o nasaktan si De Lima.
Ayon kay Garafil kapwa bibigyan ng medical at psychological attention ang sina Agustin at De Lima.
Sina Cabintoy, Susukan at Sulayao ay pawang nasawi matapos rumesponde ang mga tauhan ng custodial center at PNP Special Action Force.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang PNP sa insidente. (DDC)