Key achievements sa unang 100-araw niya sa puwesto ibinida ni Pangulong Marcos
Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang achievements ng kaniyang administrasyon sa unang isangdaang araw sa puwesto.
Sa President’s Night na inorganisa ng Manila Overseas Press Club (MOPC), sinabi ni Marcos na nakabuo siya ng “functional government” sa pamamagitan ng paglalagay ng “best and brightest” para manilbihan sa administrasyon.
Bahagi ng economic cluster ng administrasyong Marcos sina Officials Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla.
“I think what we have managed to do in the first 100 days is put together a government, which is functional and which has a very, very good idea of what we are targeting in terms of strict economic targets, for example, in terms of the numbers of growth, the numbers of the different measures, the different metrics that we are using for the economy,” ayon sa pangulo.
Mula sa 5.7 percent na gross domestic product (GDP) growth noong taong 2021, nakapagtala na ng 7.8 percent na GDP growth sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Lagpas pa ito sa target na 6.5 to 7.5 percent na itinakda ng economic managers ng pamahalaan.
Para sa taong 2023, target ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang GDP growth na 6.5 hanggang 8 percent.
“Since the campaign, unity has been our battle cry. And now that we are settling into our track and finding our pace for the six-year marathon, unity remains one of the primary driving forces in pursuing economic recovery,” dagdag pa ni Marcos.
Tiniyak din ni Marcos ang patuloy na paggawa ng mga hakbang para mas mapagbuti ang buhay at kakayahan ng mga mamamayan.
Partikular dito ang pagpapahupa sa inflation at pagpapalakas sa Piso.
Una nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na ang unang 100-araw ng Marcos administration ay maituturing na stabilizing period dahil sa mga naranasang global disruption na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng langis at kakapusan ng mga suplay.
Naging maingat aniya ang mga pagpapasya at pagtugon ni Marcos sa mga critical areas kasama na ang usapin sa pag-aangkat ng agricultural products, tax policy at pag-manage sa COVID-19 pandemic.
Sa usapin naman ng food sufficiency, sinabi ni Marcos na patuloy ang paglalaan ng Department of Agriculture ng production inputs sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang sa ipinagkakaloob ang mataas na kalidad ng seeds at fertilizers, post-harvest machinery and facilities, gaya ng trucks, dryers, at mills.
Ibinida din ni Marcos ang produktibong pagbisita niya sa Indonesia, Singapore, at US.
Sa nasabing mga state visit, nakakuha si Marcos ng $18.9 billion na halaga ng investment commitments na inaasahang makalilikha ng 134,285 na trabaho.
Sa kaniyang inaugural state visits sa Indonesia at Singapore, umabot sa $14.36 billion na investment pledges ang nakuha ni Marcos.
Kabilang dito ang unsolicited private-public partnership (PPP) para sa four-level elevated expressway sa kahabaan ng C-5.
Sa Singapore naman, nakakuha si Marcos ng pledges para sa electric tricycles na nagkakahalaga ng $5 billion at renewable energy project na $1.2 billion ang halaga. (DDC)