Aplikasyon ng special permit para sa Undas binuksan na ng LTFRB
Binuksan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Special Permit ng mga Public Utility Vehicle (PUV) bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya sa Undas.
Ayon sa abiso ng ahensya, maaari nang pumunta sa tanggapan ng LTFRB ang mga PUV operator na bibiyahe sa Undas upang tugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero.
Narito ang ang hakbang na dapat sundin ng mga operators sa pagkuha ng Special Permit:
1.) Pumunta sa Window 6 ng Technical Division upang magpa-asses ng mga kailangang bayaran para sa Special Permit.
2.) Pumunta sa Door B upang bayaran ang application
3.) Pumunta sa Window 8 upang isumite ang apat (4) kopya ng Application of Special Permit kasama ang mga documentary requirements.
4.) Pagkatapos ng ilang araw o bago ang ika-28 ng Oktubre, bumalik sa tanggapan ng LTFRB at dumiretso sa Information Systems Management Division (ISMD) upang kunin ang kanilang Special Permit.
Narito naman ang mga documentary requirements na kailangang isumite ng PUV operators sa pag-apply ng Special Permit:
1.) OR/CR ng mga sasakyan
2.) Personal Passenger Insurance Policy
3.) Franchise Verification
Hinihikayat ang mga PUV operators na mag-apply nang maaga upang makuha agad ang kanilang Special Permit at makapaghanda nang maaga para sa kanilang biyahe sa Undas.
Ang pag-apply ng Special Permit sa LTFRB ay hanggang ika-14 ng Oktubre 2022 lamang.
Ipinapaalala rin ng LTFRB sa mga PUV operator at driver na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya sa pagpasada.
Ang sinumang mahuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa base sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC), Special Permit, at ng Joint Administrative Order no. 2014-01. (DDC)