Mga Pilipinong mangingisda sa Bajo De Masinloc, dumarami ayon sa Coast Guard
Tumataas ang presensya ng mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc.
Ito ang nakita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isinagawang aerial surveillance sa lugar.
Ayon sa PCG, nasa 30 hanggang 40 mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda ang namataan sa katubigan kasama ang BRP Gabriela Silang at BRP Suluan na nagbabantay sa kanilang seguridad at kaligtasan.
Maliban sa pagbabantay sa mga bangkang pangisda, namamahagi rin ng relief supplies ang mga PCG personnel na naka-deploy sa Bajo de Masinloc.
Nagbibigay din ang mga tauhan ng PCG ng libreng health check-up sa Pilipinong mangingisda na sumasama ang pakiramdam habang nasa laot.
Ayon sa PCG Aviation Force, may na-monitor silang apat barko ng China Coast Guard (CCG) at dalawang Chinese Militia Vessels.
Sa kabila nito, naging mapayapa ang naturang operasyon at walang naganap na “challenge” sa gitna ng PCG at CCG.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, magpapatuloy ang regular na pagpapatrulya ng mga Coast Guard vessels sa BDM para mahikayat ang mga Pilipino na pumalaot at mangisda sa BDM na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. (DDC)