Pamunuan ng MRT-3 tiniyak ang sigurado at ligtas na operasyon matapos ang aberya noong Martes
Tiniyak ni General Manager (GM) Engr. Federico J. Canar, Jr. ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang sigurado at ligtas na operasyon ng tren pagkatapos ang naranasang aberya noong Martes, Oktubre 4.
Ayon kay Canar maayos ang ginagawang pagmentina sa buong MRT-3 system; gayundin, sinisiguro ng pamunuan na readily available ang mga kritikal na piyesa ng tren, lalo ang mga sensitibong electronic parts, sa mga istasyon, para sa agarang pagresponde.
Itinuring na technical glitch ang aberya noong Martes, bunsod ng depektibong power supply unit ng signaling system sa Taft Avenue station, na nangyari alas-5 ng hapon.
“Iyan naman pong mga tren natin ay designed for fail-safe system kaya tumitigil ang ating trains kapag may problema sa signaling. Ang bumigay po na component ay electronic unit at medyo naabalang makakuha ng spare parts sa depot sa North Avenue dahil sa trapik,” paliwanag ni GM Canar.
Ani Canar, agad ding naibalik ang normal na operasyon ng tren dakong 6:53 ng gabi.
Sinabi ni Canar na ang pagkakaroon ng glitches sa anumang electrical system ay hindi katulad ng pagkakaroon ng problema sa ibang components, tulad halimbawa sa mga mechanical parts ng tren na kung saan preventable ang sira.
“Electronic part po kasi yan, naaalog, nauulanan lalo na ‘yung wayside components, and therefore prone sila sa weather strikes. To prevent recurrences of the same defect, kami ay maglalagay ng readily available na pyesa, lalo na ang mga sensitive electronic components, sa linya para sa agarang aksyon. Mas mapapabilis po ang response time sa ganitong pamamaraan,” dagdag pa ng opisyal.
Nilinaw rin ni GM Canar na ang naranasang insidente ay isa lamang sa kakaunting glitches na naranasan ng MRT-3 sa mahabang panahon mula nang maibalik ang Sumitomo-MHI-TESP bilang maintenance provider ng linya noong 2019.
Ayon kay GM Canar, nag-umpisa noong 2000 at nagtapos noong 2012 ang maintenance provider ng MRT-3 at pag-alis nito nag-umpisang mag-deteriorate ang system, kaya binalik ito nitong 2019. (DDC)