Las Piñas LGU nagpaabot ng pakikiramay sa mga naulila ng mamamahayag na si Percy Lapid
Nagpaabot ng taos-pusong simpatya at pakikiramay ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Las Piñas City sa naulilang pamilya ng pinaslang na mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid .
Sa inilabas na pahayag ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, na nagluluksa at nalulungkot ang lokal na pamahalaan sa pagkamatay ni Lapid na isang Las Piñero, matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa gate ng subdivision sa lungsod kamakailan.
Ayon sa alkalde ang pagpaslang sa mamamahayag ay isang direktang pag-atake sa press freedom o malayang pamamahayag at pagsikil sa karapatan ng mamamayan sa katotohanan at pahayag.
Bumuo na rin ang Las Piñas City Police ng isang special task force na tututok at mag-iimbestiga sa naturang karumal-dumal na krimen.
Nangako rin ang Las Piñas LGU na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ni Lapid. (Bhelle Gamboa)