Presidential Task Force on Media Security masusing babantayan ang kaso ng pamamaslang kay Percy Lapid
Tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security na masusi nitong binabantayan ang imbestigasyon sa kaso ng pananambang sa brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Joel Egco, titiyakin ng Task Force na mabibigyang hustisya ang pamamaslang sa mamamahayag.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Egco sa mga naulila ni Lapid.
“We at the Presidential Task Force denounce the murder of Percy Lapid and send our deepest condolences to the family, friends and colleagues of the victim. Rest assured that the PTFOMS will not rest until the perpetrators of this heinous crime are brought to justice. There is absolutely no justification for murder,” ayon sa pahayag ni Egco.
Sinabi ni Egco na bagaman masyado pang maaga para matukoy kung ano ang motibo sa pananambang, maaari aniyang masabi na ito ay work related.
Nagpaalala naman si Egco sa mga journalists, broadcasters at media practitioner na agad i-report kung makararanas ng anumang uri ng pagbabanta o harassment.
Ito ay upang agad maimbestigahan at kung kakailanganin, ang PTFoMS ay maaaring magbigay ng police protection. (DDC)