PCSO Naglabas ng paliwanag sa pagkakapanalo ng 433 bettors sa Grand Lotto
Nagpalabas ng pahayag ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) tungkol sa naging resulta ng lottery draw Sabado, Oct. 1 ng gabi.
Sa nasabing draw ay umabot sa 433 na manananaya ang nanalo sa 6/55 Grand Lotto na may jackpot prize na P236,091,188.
Ayon sa PCSO ang isinagawang draw ay televised at naka-record din.
Bawat bola ay tinimbang isa-isa bago ang draw at ang pagpili ng mananalo ay hindi computer generated o hindi rin manually drawn.
Sinabi pa ng ahensya na ang mga nanalo ay mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon sa PCSO, bagaman mahirap mangyari “statistically” na magkaroon ng ganoon kadaming nanalo ay hindi naman ito “improbable”.
Ang lumabas kasing kombinasyon ng mga numero ay maaaring common bet combination.
Marami ang nagduda sa naging resulta ng draw ng PCSO kung saan 433 na manananaya ang maghahati-hati sa jackpot prize. (DDC)