Lingig, Surigao Del Sur Mayor at kanyang team, namangha sa ‘best practices’ ng Las Piñas LGU
Ginawang halimbawa at inadopt ng lokal na Pamahalaan ng Lingig, Surigao del Sur ang pinakamagagandang gawaing ipinatutupad ng Las Piñas City Government para maging isang progresibong siyudad ito.
Kaya naman, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang Las Piñas City Government kay Lingig, Surigao del Sur Mayor Elmer Evangelio at mga miyembro ng kanyang administrasyon dahil sa pagpili sa lungsod.
Kasama ni Mayor Evangelio ang kanyang department heads sa pagbisita sa Las Piñas na labis na namangha sa mainit na pagtanggap at mabuting pakikitungo sa kanila ni City Mayor Imelda Aguilar at Vice-Mayor April Aguilar.
Sa isinagawang ‘benchmarking’ o pamantayan ng pagsusukat at paghahambing sa The Excelsior Hotel nitong Biyernes,Setyembre 23, iprinisinta ng lokal na pamahalaan ang apat na Ks ng lungsod – Kalusugan, Kalinisan, Kaayusan and Kaalaman.
Ito ang mga programang naghahatid ng mas magagandang serbisyo sa mga mamamayan ng Las Piñas.
“Para sa Kalusugan, ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ang green card program na ipinamamahagi sa mga residente upang makatulong para sa kanilang pagpapaospital,nagsagawa ng ‘chikiting bakunation’ at libreng operasyon sa katarata”, ayon kay Mayor Aguilar.
Dagdag niya, sa Kalusugan program, binigyang-pagkilala ng Department of Health (DOH) ang Las Piñas sa kanyang outstanding performance nang maitala nito ang 106% at malampasan ang 96 porsiyentong target na bilang ng nabakunahang bata.
“Sa ilalim ng Kalinisan program, ipinapatupad ng Las Piñas ang clean and green program at ang wastong pagtatapon at pamamahala ng mga basura upang mapanatili ang kalinisan sa buong lungsod”, saad ng alkalde.
Nasungkit din ng Las Piñas ang Safe City Award noong Agosto 9 base sa napakahusay na pagganap ng lokal na pulisya sa pagkakatala ng pinakamababang bilang ng krimen.
“Nakapagtala ang lokal na pulisya ng pinakamataas na bilang ng naarestong suspek sa iba’t ibang krimen”, pahayag ni Mayor Aguilar.
Ayon pa sa alkalde ang pinakamalaking dahilan kung bakit ‘mas ligtas’ na lugar na tirahan ang Las Piñas sa Metro Manila ay bunga ng maigting na presensiya ng mga pulis o police visibility at pagsasagawa ng checkpoints sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang barangay sa lungsod.
Sinabi rin ni Mayor Aguilar na ang Safe City Award ay sa ilalim ng Kaayusan program na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan sa tulong ng Las Piñas City Police.
“Sa ilalim naman ng Kaalaman program, itinuturo ang urban farming upang isulong ang pagpapanatili ng pangkabuhayan at mahalagang mapagkukunan ng masusustansiyang pagkain ng mga residente”, dagdag ng alkalde.
Lubhang namangha si Evangelio at kanyang team sa presentasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpapakita ng mga tagumpay nito sa mga ipinapatupad na best practices kaya ganap na progresibo at ligtas na tirahan ang Las Piñas.
Dumalo sa benchmarking ang mga opisyal ng Las Piñas City sa pangunguna nina City Administrator Reynaldo Balagulan at Public Information Office (PIO) chief Paul San Miguel kasama ang iba pang department heads. (Noel Talacay)