Ilegal na negosyo na pag-aari umano ng mga pulis at elected officials sa Masungi pinaiimbestigahan na sa PNP
Pinaiiimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) ang umano ay mga ilegal na negosyo sa Masungi Georeserve Protected Area sa Baras, Rizal.
Matapos ang kaniyang pagbisita sa lugar, iniutos ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos Jr. sa PNP na siyasatin ang umano ay mga ilegal na negosyo sa lugar na pag-aari ng mga aktibo at retiradong police officers at mga local government unit (LGUs) officials.
“Elected officials of the government and police officers are bound by their mandate to protect the environment. They should lead a good example to our fellow citizens and be part of the solution, not the other way around. Tayo dapat ang nangangalaga sa Masungi hindi ang sumisira dito,” ayon kay Abalos.
Sa natanggap na report ni Abalos, may mga aktibo at retiradong PNP at LGU officials ang nagtayo ng resorts at commercial establishments sa conservation site.
Inatasan ni Abalos ang PNP na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa alegasyon.
“Hindi tayo papayag na kamkamin ito ng iilang tao. Kaya sa lahat ng magtatangkang magtayo pa ng negosyo at iba pang iligal na istraktura sa loob ng Masungi, binabalaan ko po kayo. Itigil n’yo na po ito dahil ipinagbabawal po ito ng ating batas,” babala ni Abalos.
Ani Abalos ang 2,700 hectares na forest land ay dapat protektado laban sa mga land claimants at illegal business dahil deklarado itong protected area sa bisa ng Proclamation No. 296, s. 2011.
Samantala, iniutos din ni Abalos sa PNP na magtayo ng permanent encampment sa lugar para mapigilan ang infiltration ng mga claimants at maprotektahan ang mga trabahador sa Masungi. (DDC)