Shabu na isiniksik sa stuffed toys nakumpiska ng Customs
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Clark at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang aabot sa 1.14 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu na tinatayang P7.87-million.
Inaresto ng otoridad ang dalawang claimants na pansamantalang hindi muna pinangalanan, sa ikinasang controlled delivery operation sa Bacoor City, Cavite.
Nadiskubre ang ilegal na droga sa isang shipment o package na nakadeklarang naglalaman ng “unsolicited gift-baby soft toys for personal use” nang dumating noong Setyembre 26 galing ng Victoria, London.
Ang package ay minarkahan para sa physical examination ng nakatalagang X-Ray inspector dahil sa kahina-hinalang imahe sa loob ng parcel.
Isinailalim ito agad sa physical examination na nagresulta bg pagkakadiskubre ng dalawang pirasong headdress (hat with design),isang liham at isang yellow-green plastic bag na may laman dalawang pirasong Star Wars Mandalorian Plush Toy.
Sa bawat items ay may tatlong blue plastics na naglalaman ng white crystalline powder na hinihinalang shabu.
Isinailalim din ang package sa K9 sweeping kung saan may indikasyon ng posibleng presensiya ng ilegal na droga.
Ang white crystalline powder ay isinalang sa field testing na nagpositibo naman sa presensiya ng “methamphetamine”.
Dinala ang samples sa PDEA para sa chemical laboratory analysis kung kaya nakumpirma itong methamphetamine hydrochloride, na mapanganib at ipinagbabawal na droga sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Isang warrant of seizure and detention ang inisyu ni District Collector Alexandra Lumontad laban sa subject shipment para sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), and 1113 (f) of the Republic Act (R.A.) No. 10863 in relation to Section 4 of R.A. No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naninindigan ang BOC, sa ilalim ng liderato ng Commissioner Yogi Filemon L. Ruiz, na gagampanan ang misyon ng Bureau upang protektahan ang borders ng bansa laban sa importasyon ng ilegal na droga. (Bhelle Gamboa)