Bagyong Karding nag-iwan ng P1.97B na halaga ng pinsala sa pananim – DA
Umabot na sa P 1.97 billion ang halaga ng pinsala sa pananim na naidulot ng Super Typhoon Karding.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nakapagtala ng pinsala sa mga pananim sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region.
Ayon sa DA, umabot sa 88,520 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan at tinatayang 114,446 metric tons (MT) at 148,091 ektarya ng agricultural areas ang nawasak.
Kabilang sa napinsalang pananim ay palay, mais, high value crops at may mga nasira ding livestock at fisheries.
Pinakamalaking halaga ng pinsala ay sa mga pananim na bigas na umabot sa P1.61 billion ang halaga.
Ayon sa DA, 145,229 na ektarya ng taniman ng palay ang nasira ng bagyo.
Ayon sa DA, ang kanilang Regional Offices ay patuloy sa pagsasagawa ng assessment sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Inihahanda na din ang P170.34 million na halaga ng rice seeds, P23.16 million na halaga ng corn seeds at P13.55 million na halaga ng assorted vegetable seeds para maipamahagi sa mga naapektuhang magsasaka. (DDC)